Sunday, May 01, 2005

Panaghoy sa Mayo Uno

Labor Day ngayon at natapat pa sa araw ng Linggo, 'di tulad ng karamihan sa mga manggagawa, mayroon kaming pasok. Mistula kaming Suncel, 24/7 ba! Yun nga lang hindi ganoon kalaki ang kita. Kayod kalabaw na, damo pa rin ang inihahain sa mesa.
Ilang kanto lamang ang layo ng aming opisina sa Welcome Rotonda kung saan nagtitipun-tipon ang mga manggagawa upang ipahayag ang kanilang mga hinaing sa gobyerno. Hindi ko na inaalis na walang mangyayaring karahasan sa araw na ito, taun-taon naman kasi, kung hindi nakikipagpambuno ang manggagawang ralista sa mga pulis, basang-basa naman ito dahil binobomba ng tubig ng mga bumbero - ito'y sa mga tagpong nagiging pasaway ang magkabilang panig.
Naaalala ko pa noong college days ko. Labor Day din noon, alas sais pa lamang ng umaga ay humahangos na ako sa Welcome Rotonda upang sumama sa gagawing programa ng Kilusang Mayo Uno (KMU), assignment ko ito sa school paper.
Tumulak ang grupo mula Rotonda patungong Liwasang Bonifacio, lakad-takbo. Isa lamang ang impit nilang sigaw: SAHOD ITAAS! At dahil panahon pa ito ni ERAP kasama rin sa kanilang panaghoy ang, ERAP MISMO, BABAGSAK!
Noong una, kibit pa rin akong makisama sa kanilang panawagan, nakakahiya kasi at kung sumabay man ako sa kanilang panaghoy iyon ay para lamang sa katuwaan.
Pero ngayon, halos ilang taon na rin ang nakalipas at bago na ang Pangulo ng bansa nananatili pa ring umaalingawngaw lamang ang hinaing ng karamihan sa usapin ng pasahod. Kasama na ako sa karamihang iyon na tigib-laway na sa pagsigaw upang mapakinggan at maaksiyunan ang aming kahilingan. Ngayon nararamdaman ko na ang tunay na layunin ng nasabing panaghoy dahil dumadaloy na rin sa aking dugo ang paghihirap na hindi naman nabibigyan ng SAPAT na kabayaran.

No comments: